KUMBINSIDO ang Malakanyang na hindi na dapat pang makarating sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang isyu ngayon sa Tubbataha incident lalo pa’t ang national heritage ang isyu dito.
Subalit, sinabi ni Presidential spokesman Edwin Lacierda, bahala na ang Department of Foreign Affairs (DFA) bilang pangunahing ahensiya ng pamahalaan ang tumalakay sa usaping ito sa kanilang US counterparts.
Nauna rito, sinabi ni Sec. Lacierda na ipinarating nila agad kay Pangulong Aquino ang detalye ng assessment ng Task Force Salvage.
Sinabi ng Malakanyang na nasira ng United States Navy minesweeper USS Guardian ang 1,000 square meters ng Tubbataha Reef nang dumausdos ito sa kalupaan noong nakaraang linggo.
Ang napinsala ayon kay Sec. Lacierda ay mahigit isang porsiyento ng kabuuang lugar ng UNESCO World Heritage Site.
Humingi na naman ng paumanhin ang US sa pinsalang nagawa ng nasabing vessel sa reef kahit pa may damage din ang USS Guardian.