SA WAKAS ay idinulog na ng Pilipinas sa International Tribunal ang kaso nito laban sa China sa ilalim ng ipinatutupad na United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) dahil sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario , nagdesisyon ang Pilipinas na iakyat ang usapin sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS sa international tribunal upang ganap nang matuldukan at masolusyunan ang iringan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ipinatawag kahapon sa DFA si Chinese Ambassador to Manila Ma Keging upang ibigay ang note verbal hinggil sa legal na aksyon ng Pilipinas na iakyat ang usapin ng territorial dispute sa Arbitral Tribunal at hamunin ang China sa legalidad at validity ng kanilang claim sa buong WPS mula sa sinasabing 9-dashed line nito.
Sinabi ni del Rosario na ginawa na ng Pilipinas ang lahat para sa diplomatiko, pulitikal at mapayapang pag-uusap at negosasyon sa China upang matapos ang maritime dispute subalit nananatiling bingi ang China. Umaabot na sa 15 diplomatic protest ang naihain ng Pilipinas laban China subalit nagkibit-balikat lamang at hindi tumugon ang huli.
Kabilang sa hinihiling ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal na ganap na ideklarang ilegal at invalid ang claims ng China sa Scarborough o Panatag Shoal at Spratly Islands at sundin nito ang international law base sa isinasaad ng UNCLOS partikular ang karapatan sa Territorial Sea and Contiguous Zone, Exclusive Economic Zone (EEZ) at Continental Shelf.
Hiniling din sa tribunal na patigilin ang China sa lahat ng aktibidades nito sa West Philippine Sea na lumalabag sa karapatan sa maritime domain ng Pilipinas.