IPINAGPALIBAN ng Professional Regulatory Commission (PRC) ang veterinary medicine licensure examination sa Maynila at Cagayan de Oro City, bunsod na rin nang nararanasang mga pag-ulan at pagbaha na dulot ng Habagat.
Sa isang kalatas, sinabi ng PRC na ang pagsusulit ay orihinal na nakatakda ng Agosto 20 hanggang 22.
Gayunman, bunsod ng masamang panahon ay nagpasya silang ipagpaliban na lamang ito at idaos sa Setyembre 18 hanggang 20.
“The postponement of the board examination was made with due consideration of the safety of examinees and examination personnel particularly because of widespread flooding in Metro Manila, which rendered routes leading to the examination site at the Manuel L. Quezon University in Quiapo, Manila inaccessible and impassable,” anang PRC.
Nilinaw rin ng PRC na sakop rin ng rescheduling ang exam venue sa Cagayan de Oro City.
Matatandaang dumanas ng walang humpay na malakas na pag-ulan sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan, na nagdulot ng malawakang pagbaha nitong mga nakalipas na araw.
Sanhi nito, naparalisa ang Metro Manila at dalawang araw (Lunes at Martes) na walang pasok sa mga paaralan at trabaho, habang wala rin namang pasok kahapon dahil na rin sa Ninoy Aquino Day, na isang holiday.
The post Veterinary medicine licensure exams, ipinagpaliban ng PRC appeared first on Remate.