NAG-ALAY ng panalangin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sa mga nabiktima ng pag-ulan at pagbaha na dulot ng Habagat.
Umapela rin si Tagle sa publiko ng tulong para sa mga Habagat victims, bilang suporta sa Caritas Damayan, isang Caritas Manila Disaster Risk Reduction and Management Program.
Inatasan ni Tagle ang Vicar Forraine at Priest’s Coordinator para mangulekta ng donasyong ‘in kind at in cash’ na ipapadala sa Caritas Manila.
Nabatid na pinaigting ng Caritas Manila ang kanilang “Caritas Damayan” program upang makatulong sa pagkakaloob ng pangangailangan ng mga biktima ng baha sa Cavite, Laguna, Bulacan, Bataan at Metro Manila.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton C.T. Pascual, nagsimula na silang mamahagi ng 20,000 relief packs para sa mga biktima ng baha.
Ang mga naturang relief packs ay naglalaman ng canned goods, first aid kit, hygiene kit, limang kilo ng bigas at “Manna packs” na naglalaman ng mga nutritional food supplements.
Sa kanyang panig, umapela rin naman si Fr. Anton sa publiko na tumulong sa mga biktima ng pagbaha.
Aniya, ang mga nais magkaloob ng cash donations ay maaaring magpadala sa peso bank accounts ng Caritas na BPI 3063-5357-01; BDO 5600-45905; PNB 10-856-660001-7; UNION BANK 00-030-001227-5; at METROBANK 175-3-17506954-3.
Para naman aniya sa in kind donations, maaari itong ipadala sa Caritas Manila office na matatagpuan sa 2002 Jesus Street, Pandacan, Manila at kahit saang Simbahang Katoliko.
Nabatid na lahat ng donasyon ay tax deductible dahil ang Caritas Manila ay isang donee organization na rehistrado sa Bureau of Internal Revenue (BIR). /Macs Borja
The post Cardinal Tagle nag-alay ng panalangin sa mga biktima ng habagat appeared first on Remate.