UMABOT na sa 42 ang namatay, habang 80 pa ang nawawala sa ikatlong araw na search and retrieval operations sa mga pasahero ng lumubog na M/V St. Thomas Aquinas sa Talisay City, Cebu habang isa pang bangkay ng bata ang nakita ng mga mangigisda kaninang umaga.
Sinimulan na rin ng Philippine Coast Guard (PCG), team ng technical divers at ang binuo ng Philippine Navy-Visayas na Task Group STAR (St. Thomas Aquinas Retrieval) ang pagpapaibayo pa sa paghahanap sa natitira pang mahigit 80 missing na pasahero.
Inihayag ni Naval Forces Central Commodore Reynaldo Yuma, na posibleng tatagal pa ng isang buwan ang retrieval operation sa mga missing na mga pasahero ng passenger vessel.
Una rito, umakyat na sa 42 ang bilang ng mga casualties, 31 rito ang nakilala na at 750 ang na-rescue o naligtas ng mga awtoridad.
Samantala, tiniyak naman ng 2GO Shipping Lines na tutulong sila sa paglilinis ng coastal barangays sa lugar na naapektuhan ng oil spill lalo na ang lungsod ng Cordova at lungsod ng Lapu-Lapu.
Umabot na sa tatlong kilometro ang lawak at tatlong metro ang lapad na naapektuhan ng oil spill sa karagatan.
Nababahala na ang lokal na pamahalaan na maapektuhan nito ang mga lamang dagat dahil na rin sa tumagas na krudo.
Dahil dito, gagawa ng pagsisiyasat ang Environmental Management Bureau-7 ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lugar na naapektuhan ng oil spill.
Napag-alaman na ang M/V St. Thomas Aquinas ay merong 20 tons ng diesel oil at 120 tons ng bunker fuel nang mabangga ito ng M/V Sulpico Express Siete ng Sulpicio Lines Incorporated noong Biyernes ng gabi.
The post UPDATE: 42 na patay sa Cebu sea mishap appeared first on Remate.