ITUTULOY ngayong araw ang search and rescue at retrieval operation sa mga nawawala pang mga pasahero ng MV St. Thomas Aquinas na lumubog sa Lawis Ledge ng Barangay Tangke, Talisay, Cebu nitong Biyernes ng gabi.
Pansamantlang itinigil kahapon ang search and rescue operation dahil na rin sa nararanasang masamang panahon.
Sa ngayon, umabot na sa halos 50 ang patay, 58 ang nawawala at 751 ang na-rescue ng awtoridad.
Sasama na ang technical divers na galing sa Palawan sa pagsisid sa lumubog na passenger vessel at ang mga volunteer divers na galing sa Malapascua Island na siya ring tumulong sa paghahanap sa labi ni dating Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo nang bumagsak ang sinasakyang Seneca plane noong nakaraang taon sa Masbate.
Samantala, isinailalim na sa stress debriefing ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-7) ang mga pasaherong nakaligtas sa pagkalunod ng barko na nasa iba’t-ibang ospital at hotels sa Cebu City.
Kaugnay nito, ikinokonsidera na bilang “maritime disaster prone area” ang Lawis Ledge sa Talisay Cit na nagbanggaan ang MV St. Thomas Aquinas at Sulpicio Express Siete.
Napag-alaman na ito na ang pangalawang aksidente sa karagatan sa naturang lugar ngayong taon at pangatlo simula noong 2011.
Kung maalala noong Agosto 2011, ang MV Island Fast Craft I ng Island Express Shipping lumubog sa nasabing lugar at nag-iwan ng tatlong patay.
The post Search, retrieval ops tuloy ngayong araw appeared first on Remate.