ISINUSULONG ni Quezon City Councilor Melencio ‘Bobby’ Castelo Jr. ang isang city council proposed resolution na humihiling sa Kongreso na maglatag ng batas para makapagtayo ng isang ospital para sa mga senior citizen ng lungsod.
Sinabi ni Castelo Jr., na polisiya ng gobyerno na maglatag ng komprehensibong health care at rehabilitation system upang maalagaan at mapagyaman ang kapakanan ng mga senior citizen sa lunsod para makamit nila ang mas may kabuluhang buhay.
Kaya pagkaupong-pagkaupo sa posisyon, naisip na agad ni Castelo Jr., na patayuan ng isang pagamutan na para lamang sa mga senior citizen ng lungsod na sa tingin niya ay mas higit na nangangailangan ng pagkalinga dahil karamihan sa kanila ay marami nang nararamdaman na sakit sa katawan.
“Wala pa po tayong ospital sa lungsod na para lang talaga sa mga senior citizen kaya hinihiling ko po sa ating mga kongresista na ipasa na ang aking resolusyon sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Castelo Jr.
Habang hinihintay naman ang pagpasa ng resolusyon, naghahanap na si Castelo Jr sa lungsod ng lugar para pagtayuan ng nasabing ospital for senior citizen.
The post Pagtatayo ng Senior Citizen’s hospital, isinusulong appeared first on Remate.