APRUBADO sa Malakanyang ang panawagan ng ilang senador na himaying mabuti sa pamamagitan ng pribadong audit firm kung papaano nila ginagastos ang kanilang pondo.
Tinuran ni Presidential Communications Group Sec. Sonny Coloma, na may basbas nila ang hirit na ito ng mga senador kung ito ang tanging solusyon para mapatatag ang kredibilidad ng lehislatura.
Nauna nang sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na bagama’t suportado niya ang panukalang ipa-audit sa Commission on Audit (CoA) ang pondo ng mga senador, mainam na ipabusisi na lamang ito sa private sector upang maalis ang anumang pagdududa dahil si Senate Pres. Juan Ponce Enrile ang nag-aapruba ng pondo nito.
Subalit, sinabi ni Sec. Coloma na kailangan ay maging open ang mga senador sa panukala ni Cayetano.
Matatandaang iwas-pusoy ang Malakanyang sa mga pagtatangkang patalsikin si Enrile sa kanyang puwesto bagama’t nakakuha uli ito ng confidence vote kahapon.