IGINIIT kanina ng kampo ng mga Ampatuan sa Quezon City court na balewalain ang mosyon ng prosekusyon na gawing state witness sa kaso si Bong Andal, ang gravedigger at backhoe operator sa naganap na Maguindanao masaker.
Sa limang pahinang rejoinder nina dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr, anak na si dating Datu Unsay town mayor Andal Ampatuan Jr, at dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Zaldy Ampatuan , iginiit ng mga ito kay QC Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes na ibasura ang petisyon na gawing state witness si Andal at huwag aalisin sa talaan ng mga akusado sa naturang krimen dahilan sa kakulangan sa merito .
Binigyang diin ng kampo ng mga Ampatuan na ang korte lamang ang tanging may kapangyarihan na desisyunan ang mosyon ng prosekusyon .
Magugunitang si Bong Andal ang operator ng backhoe na natagpuang inabandona sa crime site sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan noong 2009 sa naganap na Maguindanao masaker na ikinamatay ng 58 biktima kabilang ang 32 mediamen.
Nauna rito, noong November 24, 2012 nadakip ng awtoridad si Andal sa Midsayap, North Cotabato sa isang entrapment operation na isinagawa ng 40th Infantry Battalion ng Phil Army.