ISINISI ni dating Presidente at ngayon ay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang masikip na trapiko sa nasabing lungsod.
Ani Estrada, sumisikip ang trapiko sa Maynila dahil sobra-sobra ang pagbibigay ng prangkisa ng LTFRB sa bus operators kaya’t nagdesisyon ang kanilang administrasyon na ayusin ang sistema ng trapiko.
“Pag magkakaroon ng pagbabago, siyempre may resistance. Mahigit isang dekada na yata ang kolorum pasukan nang pasukan sa Maynila kaya sobrang trapik. Tapos ‘yung may prangkisa sobra ang binibigay, libo-libo, kaya hindi talaga kaya ng kalye sa Maynila,” ani Estrada.
Ayon kay Estrada, hinihintay pa nila ang bantang pagsasampa ng kaso laban sa kanya ng mga bus operator matapos nilang ipatupad ang “bus ban” sa lungsod.
Matatandaang ipinatupad ng konseho ng Maynila ang resolution no. 48 kung saan ipinagbawal ang pagbiyahe ng bus sa lungsod lalo ang mga kolorum.
Ayon kay Estrada, kapag naayos ang pagpapatupad ng pagre-regulate sa mga bus na pumapasok sa Maynila ay isusunod nila ang mga kolorum na pampasaherong jeepney gayundin ang mga “kuliglig”.
Idinagdag pa ng alkalde marami ang nagpasalamat sa kanilang aksyon dahil naging maluwag na ang trapiko sa ilang pangunahing kalsada ng Maynila.
The post LTFRB sinisi sa masikip na trapiko sa Maynila appeared first on Remate.