TARGET ng 7th Infantry Division (7ID) ng Philippine Army na gawing tourist destination ang ilang bahagi ng Fort Magsaysay Military Reservation (FMMR) nito.
Ayon kay 7ID commander Brigadier General Gregorio Pio Catapang Jr, nakipagpulong sila sa mga kinatawan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority upang pag-usapan ang mga aktibidad na maaring gawin ng mga turista doon gaya ng wall climbing, hiking, downhill mountain biking, camping, motocross riding, 4×4 off-road driving, zip-line at pagsakay sa kabayo at mga isports na pangtubig sa coastal areas nito sa Dingalan, Aurora tulad ng kayaking, scuba diving, windsurfing, jet ski at parasailing.
Dagdag pa ni Catapang na ngayong namamatay na ang paghihimagsik at ipinanganak na ang kapayapaan at kasaganahan sa Rehiyon Uno at Tres ay panahon na upang gawing lugar pasyalan ang ilang bahagi ng kanilang kampo kung saan maaring magkasama-sama ang magkakapamilya at magkakaibigan.
Gusto aniya nilang masabi ng mga turista na hindi ka pa nakapunta ng Nueva Ecija pag di mo nakita ang Fort Magsaysay- ang tahanan ng mga Kaugnay troopers.
Nalikha ang FMMR sa bisa ng Presidential Proclamation No.237 noong ika-19 ng Disyembre 1955 na may kabuuang land area na 44,970 ektarya.
Ito ay binubuo ng Cantonment area, Training Circuit, Kalinga sa Kawal off-based housing para sa mga kasundaluhan, Jethropa Plantation, National Training Center (Balikatan area) at Libingan ng mga Bayani.