NASAKOTE na ng mga pulis ang apat na carnapper na ang paboritong biktimahin ay mga pampasaherong jeep kung saan kinakatay ang mga piyesa bago iniiwan sa kalsada sa Valenzuela City.
Kinilala ang mga suspek na sina Emanuel Ocfena, 43; Allan Casiao, 36; Tomasito Galvez, 51, pawang ng Valenzuela City at Alberto Bursina, 32, ng Monumento, Caloocan City.
Isa sa naging biktima ng mga suspek ay si PO1 Samson Mansibang, nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airpot (NAIA).
Lumalabas na tatangay ng mga jitney ang mga suspek at babaklasin ang stereo, gulong, baterya at iba pang mapakikinabangan bago iiwan na lang sa kalsada ang nakatay na sasakyan.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis kung sino ang mga suspek na naging dahilan upang magsagawa ng manhunt operation, alas-2:30 nang madakip sina Ocfena at Casiao sa MacArthur highway, Malanday.
Kasunod na nadakip si Galvez sa Marulas ng lungsod habang dakong alas-11 kagabi nang madakip si Bursina sa Bonifacio Market sa Monumento, Caloocan City.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga pulis upang alamin kung may kasabwat pa ang mga suspek kung saan nabawi ang ilang gamit ng mga jitney sa mga ito.
The post 4 carnapper sa Valenzuela nadakip appeared first on Remate.