WALANG dagdag sahod sa mahigit isang milyong empleyado ng gobyerno sa 2014.
Kinumpirma ito ni Budget Secretary Florencio Abad sa unang araw ng pagdinig ng 2014 General Appropriations Bill na P2.268 trilyon.
Ayon kay Abad, walang alokasyon para sa dagdag sa sahod sa mga nasa burukrasya sa ilalim ng 2014 budget.
Ito ay dahil katatapos lamang anya ng implementasyon ng salary standardization 3.
Pag-aaralan pa aniya ng gobyerno kung napapanahon nang maggawad ulit ng panibagong salary increase sa government employees.
Subalit binigyang diin ni ACT Partylist Rep. Antonio Tinio na dapat lamang magbigay uli ng umento ang administrasyong Aquino dahil base sa pag- aaral ng NEDA ay positibo ang epekto ng dagdag sahod sa mga kawani sa takbo ng gobyerno.
Humarap sa unang pagdinig sina Abad, NEDA Director General Arsenio Balisacan, Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Armando Tetangco at Finance Secretary Cesar Purisima kung saan nagkakaisa ang mga ito sa paghahayag sa mga kongresista na matatag ang lagay ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Balisacan, malaki ang posibilidad na matamo ng bansa ang rapid economic growth na mas mabilis pa kumpara sa inaasahan ng gobyerno.
Aniya, malalagpasan ng ekonomiya ang target na 6.5-7.5 porcientong GDP growth sa pagtatapos ng 2013 pero pinananatili lamang nila ang target na ito dahil sa mga external factors.
Iniulat naman ni Tetangco na matatag ang international reserves ng bansa na nasa $81.6 bilyon.
Maging ang katatagan ng piso ay siniguro ni Tetangco sa palitang P41-P43 kada dolyar hanggang sa 2014.
Samantalang ang inflation rate naman ay nasa average na 2.9 porciento hanggang ngayong buwan ng Hulyo.
The post Gov’t employees walang dagdag sahod sa 2014 appeared first on Remate.