PORMAL nang sumulat ang kampo ni dating Major Gen. Carlos Garcia sa Sandiganbayan upang hilingin na manatili siyang nakakulong sa New Bilibid Prison para sa kanyang spiritual at religious activities.
Sa dalawang pahinang sulat, sinabi ni Garcia, dating comptroller ng Armed Forces, sa korte na pabayaan na lamang siya sa NBP matapos pagsilbihan ang dalawang taong hatol sa kanya sa paglabag sa Articles of War.
Ito ay matapos sumulat ang Sandiganbayan 2nd Division sa NBP upang hilingin na ipaalam sa korte 15 araw bago ang nakatakdang paglaya ni Garcia upang makapagpalabas ng bagong utos para sa pagkakulong nito.
“Your Honors, as a detainee here at the Bureau [of Corrections], I’ve been involved myself in extending assistance to the implementation of the Reformation and Safeguarding Programs. Being installed as a lay minister here at Our Lady of Lourdes Chapel, I assist the Bureau chaplain in rendering religious and spiritual services to my fellow detainees,” ani Garcia sa sulat-kamay na liham.
Nauna rito ay ibinasura ng Korte Suprema ang plea bargaining agreement na pinasok ni Garcia at ng nakaraang liderato ng Office of the Ombudsman.
Ang bargaining deal ay nagsasaad na si Garcia ay maghahain ng guilty plea sa kasong direct bribery at facilitating money laundering at pagbabalik ng P150 milyong assets kapalit ng pagbasura sa kasong plunder na isinampa sa kanya.
Kasunod nito ay kinansela ng Sandiganbayan ang P60,000 piyansa na inilagak ni Garcia.
Nakulong si Garcia sa NBP matapos mahatulang guilty ng Armed Forces sa paglabag sa Articles of War 96 at 97 dahil sa hindi pagdedeklara ng tama sa kanyang statements of assets, liabilities and net worth noong 2002 at 2003.
The post Ex-Comptroller Garcia ayaw nang umalis sa NBP appeared first on Remate.