INATAKE sa puso habang nasa gitna ng pagsasanay ang isang miyembro ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) matapos bumagsak at mawalan ng ulirat bago binawian ng buhay kaninang madaling-araw sa Pasay City.
Dead on arrival sa Villamor Airbase Hospital si PO2 Rex Bragancia, 34, nakatalaga sa PNP-AVSEGROUP 6th Police Center for Aviation Security sa Iloilo Airport makaraang himatayin habang nasa kasagsagan ng pagsasanay.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Allan Valdez ng Investigation and Detective Management Section ng Pasay Police, kabilang si Bragancia sa mga pulis na sumasailalim sa Airpo Anti-Hijacking Training Course at ang pagtakbo ng ilang kilometro ay bahagi ng kanilang pagsasanay.
Dakong 4:30 ng madaling-araw nang simulan ang pagtakbo sa kahabaan ng NAIA Complex subalit sa ikatlo at huling pag-ikot ng grupo ay biglang nawalan ng ulirat si Bragancia.
Sumaklolo kaagad ang mga kasamahan ng pulis at binigyan siya ng life saving treatment bago isinugod sa naturang pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay.
Inihayag naman ng mga kasamahan ng biktima sa pulisya na bago umano simulan ang pagtakbo, tinatanong muna sa kanila ng kanilang trainor kung sino sa kanila ang hindi maganda ang kondisyon ng pangangatawan.
Batay naman sa medical record ng pagamutan, sudden cardiac arrest ang ikinamatay ng pulis subalit nilinaw ni Valdez na isasailalim pa muna sa awtopsiya ang biktima upang alamin ang dahilan ng kanyang kamatayan.
The post Pulis inatake sa puso habang nasa training appeared first on Remate.