NALITSON nang buhay ang isang paslit nang hindi makalabas sa kanilang nasusunog na bahay sa Davao del Sur nitong Sabado ng gabi (Agosto 3).
Halos hindi na makilala sanhi ng 3rd degree burn sa mukha at sa buong katawan ang biktimang si Jomar Mara, 5.
Nakaligtas naman sa tiyak na kapahamakan ang dalawang kapatid nito na sina Aries Mara Jr. at
Jomaira Mara nang makalabas sa kanilang nagliliyab na bahay.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-8:30 nitong Sabado ng gabi sa bahay ng magkakapatid sa Purok Vanda, Barangay Colorado, Digos City.
Bago ito, umalis sa kanilang bahay ang nanay ng tatlong magkakapatid na si Julieta upang hatiran ng pagkain ang mister nitong si Aries na isang construction worker.
Naiwang natutulog sa bahay ang tatlong magkakapatid pero habang natutulog ay malamang na nasagi ng isa sa kanila ang lampara at natumba sa kumot ng mga bata bago nagliyab.
Masuwerteng nakatalon sa bintana sina Aries Jr. at Jomaira na nakaranas ng minor burn.
Umabot sa P15,000 ang danyos sa nasunog na bahay na gawa lamang sa kahoy.
The post Paslit nalitson sa sunog sa Davao appeared first on Remate.