PLANONG ipatupad ng Quezon City government ang one way traffic routes scheme sa anim na distrito ng lungsod.
Ito’y matapos ipag-utos ni QC Mayor Herbert M. Bautista kay Department of Public Order and Safety (DPOS) chief Elmo San Diego na pag-aralan ang mga posibleng ruta para sa one-way traffic scheme.
Inatasan din ni Bautista si San Diego na makipag-ugnayan sa department of engineering at sa City Planning and Development Office (CPDO) ng QC para gumawa ng listahan ng mga malalawak na kalsada sa lungsod upang hindi lamang magsilbing alternatibong ruta, kundi upang magsilbing daan ito para sa mga maliliit na uri ng sasakyan upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA at sa iba pang pangunahing lansangan.
Ang one-way traffic scheme para sa bawat distrito ng QC ay bahagi ng pagtupad nito sa long-term plan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa konstraksyon ng flyover na magdurugtong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa A. Bonifacio/NLEX gamit ang Araneta Avenue, at iba pang flyovers na makababawas sa pagsisikip ng trapiko sa QC at ibang bahagi ng Metro Manila.
Plano rin ng QC government, ang agarang pag-aaral at plano para sa structural and architectural na disenyo ng arc o Rotonda na ilalagay sa hangganan ng QC at Valenzuela kasama ang Mindanao Avenue/NLEX upang malaman ng mga commuter na sila ay pumapasok na sa QC.
Ayon pa kay Bautista, layunin ng kanyang administrasyon na magkaroon ng mas maraming lugar para sa turismo, pamumuhunan at pag-develop ng mga imprastraktura sa QC.
The post One way traffic routes, planong ipatupad sa QC appeared first on Remate.