TULUYAN nang hindi nagising sa pagkakatulog ang isang 23-anyos na lalaki matapos itong matagpuang wala nang buhay sa Sampaloc, Maynila.
Kinilala ni PO3 Julieto Malindog ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktima na si Robert Juanes, tubong Gunadiongan Capoocan, Leyte, helper at stay-in sa 953 Loyola St., Sampaloc, Maynila.
Sa report ni Malindog, dakong 5:00 kahapon nang madiskubreng hindi na humihinga ang biktima sa kanyang kuwarto.
Nauna rito, bago umano kumain ng tanghalian ang biktima ay nagsuka ito kaya nagpahinga na lang at humiga sa kuwarto.
Bandang hapon ay sinilip ni Juvany Aropo, pinsan at katrabaho ng biktima sa kanyang kuwarto at napansin na tila namumutla na ito kaya agad niyang ipinagbigay-alam sa pulisya.
Ayon kay Aropo, tatlong araw nang may iniindang sakit sa katawan ang biktima na posibleng dahilan ng kanyang kamatayan.
Wala namang nakitang ibang sugat sa katawan ng biktima.
Dinala ang labi sa Nathan Funeral Homes.
The post Helper, natagpuang patay sa kuwarto appeared first on Remate.