ISANG kaso na naman ng pagpatay ang naitala kahapon matapos pagbabarilin ang isang freelance photojournalist sa General Santos City, sa harap mismo ng kanyang asawa at anak, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Kinilala ang biktima na si Mario Sy, 53, na binaril ng dalawang beses ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa kanilang bahay sa Purok Sta. Cruz, Silway, Brgy. Dadiangas West. Naisugod pa sa kalapit na ospital si Sy ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Narekober ng pulisya ang dalawang basyo ng kalibre .45 sa pinangyarihan ng krimen dakong 7:40 ng Huwebes ng gabi.
Nananatiling palaisipan pa rin hanggang ngayon ang motibo ng pagpatay.
Si Sy ay naging contributor sa ilang lokal na pahayagan tulad ng Sapol News at naging event/wedding photographer din.
Kung mapatunayang kaugnay sa kanyang propesyon ang pagpatay, si Sy na ang ika-158 na mamamahayag ang pinatay sa bansa simula 1986 at pang-18 mula nang manungkulan si Pangulong Benigno Aquino III noong 2010.
Matatandaang ilang araw lamang ang nakalipas ay dalawang mamamahayag na ang tumumba, sina Richard Kho, 47 at Bonifacio Loreto Jr., 59, ng “Aksyon Ngayon” ang pinagbabaril sa Quezon City.
The post Photojournalist, patay nang binaril sa GenSan appeared first on Remate.