IPINADEDEKLARA sa Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng Republic Act Number 8049 o ang Anti-Hazing Law.
Sa 16-pahinang petisyon, partikular na hiniling ni Devie Ann Isaga Fuertes, miyembro ng Tau Gamma Sigma Sorority at isa sa 46 akusado sa pagkamatay ng Tau Gamma Phi Fraternity neophyte na si Chester Paolo Abracia, na ideklarang unconstitutional ang Section 3 at 4 ng RA 8049.
Ang mga nasabing probisyon ay kinukwestiyon dahil ginagawa ring pangunahing akusado sa paglabag sa nasabing batas ang mga miyembro ng sorority o fraternity na wala namang malinaw at aktwal na partisipasyon sa hazing o initiation rites.
Hiniling din ng petitioner sa Korte Suprema na pigilin ang mga ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng kinukwestiyong probisyon ng Anti-Hazing Law sa mga miyembro ng Tau Gamma Sorority.
Ayon kay Fuertes, labag ang mga nasabing probisyon sa Sections 1 at 19 ng Bill of Rights na naggagarantiya ng right to due process at equal protection of the law at nagbabawal sa pagpapataw ng hindi makatwirang parusa.
Si Abracia ay estudyante ng Marine Technology, sa Manuel Enverga University Foundation sa lalawigan ng Quezon, na namatay noong August 2, 2008 dahil umano sa dinanas na pagpapahirap mula sa initiation rites ng Tau Gamma.
Respondent sa nasabing petisyon ang Senado, Kamara, DOJ, DILG, DBM, DOF, Piskalya ng Tayabas City, Presiding Judge ng Lucena City RTC Branch 30 at ang naiwang pamilya ng nasawing hazing victim.
Si Fuertes na petitioner sa kaso ay kasalukuyang nagtatago dahil ang paglabag na isinampa sa kanila ay walang piyansa o non-bailable offense.
The post Batas laban sa hazing, ipinadedeklarang iligal appeared first on Remate.