BUMUO kanina, Agosto 1, 2013 (Huwebes) ng Task Group ang Quezon City Police District na tutugis sa mga suspek na pumatay sa dalawang kolumnista sa Brgy. Commonwealth, QC nitong nakalipas na Martes ng gabi.
Ayon kay QCPD District Director Chief Supt. Richard Albano, pangunahing tatrabahuhin ng Task Group ang pagtugis sa mga suspek na nasa likod ng pagpatay sa kolumnistang sina Bonifacio Loreto at Richard Kho, pawang ng pahayagang Aksyon Ngayon.
Sa imbestigasyon ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang pamamaslang sa Pilot Drive Commonwealth Avenue, Brgy. Commonwealth Q.C. nitong nakalipas na Martes, alas-11:30 ng gabi .
Sinabi ni Gen. Albano na bagamat may mga suspek na silang tinutumbok sa imbestigasyon sa pagpatay tumanggi naman nitong tukuyin ang mga suspek.
“May suspek na tayo,” ani Gen. Albano sa isang text message.
Nabatid sa ulat na nag-uusap sa harap ng isang tindahan sa Pilot Drive Commonwealth Avenue sina Loreto at Kho nang lapitan ng dalawang hindi nakikilalang salarin saka sunod-sunod na pinagbabaril.
Kaugnay nito, sinabi naman ni QCPD-CIDU chief, Chief Inspector Rodel Marcelo na tinutumbok nila ngayon sa imbestigasyon na personal na dahilan sa pamamaslang sa dalawang reporter/kiolumnista.
The post Task group binuo vs pumatay sa 2 kolumnista appeared first on Remate.