MAAARI nang gumamit ng priority lanes o express lanes ang mga first-time voters na magpaparehistro para makaboto sa idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 28.
Ito ay alinsunod sa Resolution 9750 ng Commission on Elections (Comelec), kung saan binigyang-diin ng poll body na mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga first-time voters na makapagparehistro at makalahok sa nalalapit na halalan.
Bukod sa mga first-time voters, maaari ring gumamit ng express lanes ang mga matatanda, ang mga botanteng may kapansanan at ang mga buntis.
“Registrants who are 18 years old on or before the Oct. 28, 2013 Barangay Elections (may) queue in the EXPRESS LANE for Elderly, (Persons With Disabilities), and Heavily Pregnant Applicants as provided under Sec. 9 of Resolution 9716 and be given similar priority/preferential treatment,” bahagi ng resolusyon, na may petsang Hulyo 26.
Gayunman, nilinaw rin ng poll body sa resolusyon na hindi na tatanggaping balidong dokumento bilang proof of identity ang mga Philippine National Police (PNP) clearance.
Kaugnay nito, muling hinimok ng poll body ang mga botante na samantalahin ang pagkakataon at magparehistro na upang makaboto sa Barangay at SK polls.
Ang registration of voters ay sinimulan noong Hulyo 22 at inaasahang magtatagal hanggang Hulyo 31.
The post Express lane sa 1st time voters na magpaparehistro, inilunsad ng Comelec appeared first on Remate.