NAGBANTA si Pangulong Benigno Aquino III sa mga responsable sa pagpatay sa miyembro ng Ozamiz gang na sina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga na kapwa nahuli na subalit napatay pa na maghanda ang mga ito dahil malapit na niya silang makilala.
Sa ika-apat na State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino ay sinabi nito na may mga insidente na nagma-mantsa pa rin sa dangal ng kapulisan.
“Nabalitaan na naman siguro natin ang nangyari sa mga miyembro ng Ozamiz gang na sina Ricky Cadavero at Wilfredo Panogalinga: nahuli na, pero napatay pa. Tulad ng ginawa nating imbestigasyon sa nangyari sa Atimonan, sisiguruhin nating mananagot ang sinumang pulis na sangkot dito– gaano man kataas ang kanilang ranggo. Kung sino man ang mga pasimuno dito: maghanda lang kayo. Malapit ko na kayong makilala.” diing pahayag nito.
Sa kabila ng ganito aniyang mga kuwento ay buhay na buhay naman ang kanyang pag-asa sa hanay ng kapulisan.
Tinukoy nito ang kabayanihan nina PO3 Edlyn Arbo, na buong tapang na hinarap at tinugis ang isang holdaper sa nasakyan nitong jeep, off-duty man at walang dalang baril; PO3 Felipe Moncatar na umani ng samu’t saring papuri dahil sa haba ng listahan ng mga kriminal na kanyang nahuli. Ang ilan aniya dito ay kabilang pa sa most wanted persons sa Bacolod at miyembro ng malalaking sindikato.
“Baka narinig na rin po ninyo ang kwento ni PO2 Dondon Sultan. May nasiraan ng kotse sa kahabaan ng Quezon Boulevard; tigil naman si Ginoong Sultan para tumulong. Hindi lang po siya nagpalit ng gulong; inihatid pa niya sa kasa ang nasiraan. Bilang pasasalamat sa kanyang serbisyo, sinubok abutan ng 1,000 piso si PO2 Sultan. Tinanggihan niya ito. Ang kanyang sagot: “Trabaho naming tumulong sa mamamayan.” Saludo po kami sa mga tulad ninyong lingkod-bayan. Palakpakan po natin sina PO3 Arbo, PO3 Moncatar, at PO2 Sultan. Patunay kayong hindi pa endangered species ang tapat at mahuhusay na pulis. Inatasan ko na sina Kalihim Mar Roxas ng DILG, pati na rin si Kalihim Voltaire Gazmin ng DND, upang siguruhing ang mga katulad ninyo sa ating unipormadong hanay ay makakatanggap ng kaukulang pabuya,” lahad ng Chief Executive.”
Idinagdag pa ng Pangulong Aquino ang disaster relief workers mula sa maraming sangay ng gobyerno at volunteers na nagmula sa pribadong sektor.
Inamin ng Pangulong Aquino na hindi madaling lumusong sa baha, magbungkal ng putik, at humarap sa mukha ng pinsala.
Hindi aniya siya magsasawang kilalanin ang inambag ng mga ito sa lipunan; saludo aniya siya sa pag-aalay ng mga sarili nito upang bawasan ang pagdurusa ng sambayanang Filipino.
The post Responsable sa paghuli at pagpatay sa Ozamis gang binantaan ni PNoy appeared first on Remate.