HINDI pa man pormal na binubuksan ang 16th Congress na isasabay sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino bukas, ay natukoy na kung sinu-sino ang mga senador na nasa hanay ng administrasyon at oposisyon sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Kung susumahin, siyam ang nanalong kandidato ng administrasyon sa nakaraang senatorial elections kaya ngayon pa lamang ay tinitiyak na ng administrasyon na makukuha nila ang liderato ng Senado sa pangunguna ni Sen. Franklin Drilon, na napipisil din na magiging Senate president.
Kabilang sa administration senators na nanalo sa nakaraang halalan ay sina Sonny Angara, Bam Aquino, Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Loren Legarda, Grace Poe-Llamanzares, Aquilino Pimentel III, Antonio Trillanes IV, at Cynthia Villar.
Sinasabing pasok din sa administrasyon ang incumbent senators na sina Drilon, Pia Cayetano, Teofisto Guingona III, Lito Lapid, Ferdinand Marcos, Jr., Serge Osmeña III, Ralph Recto, at Miriam Defensor-Santiago.
Inaasahan naman ang pagiging oposisyon ng mga kandidato mula sa hanay ng United Nationalist Alliance (UNA) na kinabibilangan nina dating Senate President Juan Ponce Enrile, acting Senate President Jinggoy Estrada, Tito Sotto, Gringo Honasan, Nancy Binay, JV Ejercito habang aanib din sa grupo si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Matatandaan naman na sinabi noon ni Enrile na magiging constructive opposition sila sa 16th Congress sa oras na makuha ng administration senators ang liderato ng Senado.
The post Admin at opposition senators tukoy na appeared first on Remate.