SIMULA bukas, Lunes, Hulyo 22 ang voters’ registration para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na gaganapin sa Oktubre 28.
Ani Comelec spokesperson James Jimenez, tatagal ng 10 araw ang registration period at magtatapos ng Hulyo 31.
Kahit aniya weekend ay bukas ang registration period lalo na para sa mga estudyante na may pasok tuwing weekdays.
Pinapayuhan naman ni Jimenez ang mga qualified voters na magtungo sa mga Comelec offices sa kani-kanilang mga lugar para sa registration.
Una rito, tutol ang ilang senador sa pagbuwag ng SK sa harap ng mga isyu na nagiging “breeding ground” ito ng korapsyon at political dynasties.
Ayon naman kay Sen. JV Ejercito, Sen. Teofisto Guingona III at Sen. Bam Aquino, sa halip na buwagin ay dapat rebisahin ang framework at ayusin ang panuntuan ng SK lalo na sa pananalapi.
Bagama’t aminado si Guingona na sa edad 15 hanggang 17 taong gulang na miyembro ng SK, talagang may kakulangan sila sa kaalaman kaugnay ng pangangasiwa sa pinansyal na aspeto.
Gayunman binigyang diin nina Guingona at Aquino na kailangan ng mga kabataan ng isang institusyon upang marinig ang kanilang mga boses o hinaing.
Kaugnay nito ay maghahain ng isang panukalang batas si Ejercito na naglalayong maisailalim sa reporma ang SK.
The post ‘No extension sa barangay, SK polls registration’ appeared first on Remate.