KASADO na ang mga progresibong drayber bukas, July 22 para sa kanilang State-Of-The-Driver Address (SODA) at para lumahok sa Malaking Protesta at SONA ng Taumbayan laban sa boladas na 4th SONA ni Aquino gayundin upang kondenahin ang nakaamba na namang panibagong Oil Price Hike sa loob ng linggong ito.
All Systems Go na ang mga militanteng drayber at operator ng pampublikong transportasyon sa pangunguna ng PISTON at PISTON PARTYLIST upang magprotesta bukas sa ika-Apat na State-Of-The-Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ito ay upang tuligsain ang mga patakaran ng gobyerno na nagdulot nang lalong paghirap at pagkawala ng kabuhayan ng mga drayber at maliliit na operators sa ilalim ng tatlong taon sa pwesto ng Administrasyong Aquino.
Panibagong nakaumang Oil Price Hike tutuligsain
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, nakatakda din nilang tuligsain bukas ang nakaumang na namang panibagong pagtaas sa presyo ng langis sa loob ng linggong ito na tinatayang nasa pagitan ng 25 hanggang 75 sentimos sa diesel, gasolina at kerosone.
SODA sa harap ng Tanggpan ng LTFRB at LTO
Bukas sa ganap na 8:00 ng umaga sa pangunguna ng PISTON ay magsisimula nang magtitipon ang mga drayber at operators ng pampasaherong jeepney at UV Express dala ang kanilang mga pampasaherong sasakyan sa harap ng punong tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue, Quezon City. Sasama din sa pagkilos ang mga drayber at konduktor ng bus.
Sinabi ni San Mateo na bandang 9:00 ng umaga ay sisimulan na ng mga drayber ang kanilang State-Of-The-Driver Address (SODA) sa harap ng tanggapan ng LTFRB at LTO upang ihayag sa publiko ang tunay na papahirap na kalagayan ng Transport Sector sa loob ng tatlong taon ni Pnoy sa pwesto.
Ayon kay San Mateo, sa kanilang SODA ay tatalakayin nila tunay na kalagayan at suliranin ng transport sector gaya nang kaintuilan ng gobyerno at Department of Energy nito sa walang-tigil na oil price hikes at overpricing sa langis, pananatili ng 12% VAT sa langis na lalo pang nakadagdag sa pagtaas sa presyo ng petrolyo, pagpapatupad ng LTFRB nitong taon ng 13 Years-Model Phase-Out sa mga UV Express Units at ang nakaamba din na pagpapatupad ng ganitong iskema sa hanay ng pampasaherong jeepney.
Binanggit din ni San Mateo na kokondenahin din nila ang LTO at DOTC dahil sa patuloy na pagpapairal nito sa LTO-DOTC Dept Order 2008-39 (Matataas at malulupit na Fines and Penalties na pinpatupad ng LTO sa buong bansa) sa kabila nang idineklara ito ng Baguio RTC Branch 5 at Court of Appeals noong nakaraang taon noong May 2, Sept 15 at November 16 bilang iligal, unconstitutional, excessive, revenue-generation scheme at null and void.
Ayon pa kay San Mateo, habang nagsasagawa sila ng programa sa harap ng LTFRB at LTO ay susunugin ng mga drayber ang isang mural na naglalarawan kay Uncle Sam. Big 3 at ni Pangulong Aquino bilang simbolo ng sabwatan at pagpapakatuta ng gobyernong Aquino sa interes ng US at ng dayuhang monopolyong kartel sa langis at pagpapatupad ng gobyernong Aquino sa mga iba pang pahirap sa mga drayber gaya ng VAT sa langis, UV at Jeepney Year Model Phase-Out at LTO-DOTV Dept Order 2008-39.
Caravan at Martsa papuntang Commonwealth
pa ni San Mateo na pagsapit ng 10:00 ng umaga ay tatapusin na nila ang programa sa LTFRB at LTO upang magsimula na silang magsagawa ng Transport Caravan papuntang Commonwealth Avenue kanto ng Tandang Sora. Subalit bago sumapit ang Transport caravan ng mga Drayber sa Commonwealth at Tandang Sora ay bababa na ang mga drayber sa kanilang pampasaherong sasakyan upang magmartsa at sumanib sa mga manggagawa at iba pang sektor ng ating lipunan para sa sama-samang martsa ng taumbayan papuntang Batasang Pambansa.
Bagamat walang permit pero igigiit ang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas
Binigyang-diin ni San Mateo na bagamat walang permit na binigay ang Quezon City Local Government ay igigiit nila ang karapatang makapagmartsa at makapagsagawa ng Kilos-Protesta malapit sa Batasang Pambansa.
Kaugnay nito kinondena ni San Mateo na ang Malacanang na siyang utak at promotor at nagdikta kay Mayor Herbert Bautista na huwag silang bigyan ng permit at ilimita lamang sila sa Quezon City Hall upang hadlangan ang karapatan ng mga drayber at mamamayan na makapagprotesta at madinig ng kinauukulan ang kanilang karaingan.
Tulad ni Gloria noon, Noynoy praning sa protesta ng mamamayan dahil taksil sa bayan
”Katulad ni Gloria Macapagal-Arroyo, ay napapraning din itong si Noynoy Aquino sa protesta ng mamamayan palibhasa guilty dahil sa pagtataksil sa pambansa at demokratikong interes ng taumbayan sa pamamagitan ng sagad-sagaring pagpapakatuta sa interes ng malalaking dayuhan at lokal na negosyante’t haciendero habang nilulublob nito ang higit na nakararaming mamamayang Pilipino sa nakaraang 3 taon nito sa pwesto,” saad pa ni San Mateo.
”Subalit malinaw sa Saligang Batas na nakasaad dito ang ating karapatang magsama-sama at magprotesta ng mapayapa kaya makatarungan lamang na igiit natin ang karapatang ito na makapagmarsta at makapagprotesta malapit sa Batasan,” pagdidiin pa ni San Mateo.
”Katulad ng nakaraang Administrasyong Aquino, ay salbahe itong gobyernong Aquino. Ginigipit nito ang karapatan ng mamamayan na magamit ang kanilang karapatan magprotesta ng mapayapa. Gusto lamang nila na ang makikinig lang sa SONA ni Pnoy ang mga tunay na boss nito—ang imperyalismong US, Malalaking dayuhan at lokal na negosyante’t haciendero at kanyang mga kaalyadong sipsip na mga kongresista’t senador.
The post Mga drayber kasado nang magprotesta bukas appeared first on Remate.