KATAPATAN sa serbisyo ang nagtulak sa isang kawani ng Terminal 2 na isauli ang P300,000 na laman ng isang pouch na naiwan ng isang kliyente sa loob ng International Airport Area sa NAIA 2.
Kinilala ang kawani na si Noel M. Ilarde, Port analyst ng Terminal 2 na nakatakdang bigyan ng parangal ng lokal na pamahalaan ng Pasay dahil sa ipinakitang katapatan.
Sa incident report na nilagdaan ni Ilarde, noong ika-21 ng Marso habang nagsasagawa siya ng “routine inspection sa northwest section ng International Airport Area,” kanyang napansin ang isang “brown leather pouch” na nakapatong sa isang Philippine National Bank (PNB) counter.
Agad nakipag-ugnayan si Ilarde sa “transport solicitor” na nasa lugar upang alamin kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing pouch.
Nakakuha ng isang cellphone number na nasa isang envelope na naglalaman din ng $600.00 at ito ang nagbigay-daan upang ang isang Lost and Found staff ay makipag-ugnayan sa may-ari ng nasabing gamit.
Ayon kay Ilarde, polisiya ng MIAA ang ibalik ang anumang napulot ng mga tauhan nito, kaya’t di siya nag-atubili na i-report ang nawawalang gamit.
“Mahalaga po ang katapatan sa kahit ano pa mang opisina dahil ito ang salamin ng ating pagiging Pilipino,” ani Ilarde.
The post Tapat na kawani ng airport pararangalan appeared first on Remate.