NAGTUNGO na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa San Pedro, Laguna upang magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang miyembro ng Ozamis Robbery Holdup group.
Ito ay matapos ipag-utos ni Justice Secretary Leila de Lima na busisiin ang tunay na pangyayari at magsagawa ng reenactment kaugnay sa pagkamatay nina Ricky Cadavero, alyas “Kambal” at Wilfredo Panogalinga Jr., alyas” Kulot” na nabaril ng kanilang mga police escort noong Lunes ng gabi habang ibinibiyahe pabalik ng Camp Vicente Lim sa Laguna mula sa Cavite.
Layunin ng pagsisiyasat na mainspeksyon ang pinangyarihan ng pananambang at makapanayam ng mga posibleng testigo.
Ang grupo ng NBI ay pinangungunahan ni Head Agent Zaldy Rivera ng Death Investigation Division.
Matatandaan na naganap ang insidente alas 6:30 ng gabi ng nabanggit na araw kung saan pinagbabaril ang sinasakyang van nina Cadavero at Panogalinga ng mga armadong lalaki nang dumaan sa Magsaysay Highway.
Ayon sa PNP Region 4-A, napilitan silang magpaputok ng baril nang mang-agaw ng baril ang dalawa.
The post Pagkamatay ng 2 miyembro ng Ozamis Group sinimulan na ng NBI appeared first on Remate.