MASANGSANG na amoy ang naging susi sa pagkakadiskubre sa halos naaagnas nang bangkay ng dalawang bata sa loob ng kotse na unang iniulat na nawawala noon pang Marso sa Taguig City.
Positibong kinilala ng kanilang mga magulang at kaanak ang mga biktimang sina Dayne Buenaflor, 3 at James Naraga, 4 na noon pang Marso 27 huling nakita habang naglalaro sa harapan ng bakanteng lote sa Barangay Wawa, naturang lungsod.
Sa isinumiteng ulat kay Taguig police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis, alas-12 ng tanghali nang madiskubre ang bangkay ng dalawang bata ng ilang mga kabataang lalaki na inutusan ng may-ari ng bakanteng lote na maglinis sa mahahabang damo at hanapin ang masangsang na amoy.
Habang naglilinis, natunton ng mga kabataan ang masangsang na amoy na nagmumula sa isa sa limang sirang sasakyan na nakaparada sa pribadong lote at nang silipin nila sa nakaawang na pintuan ay dito na nakita ang naaagnas na bangkay ng dalawang bata.
Sinabi ni Asis na inaalam pa ng kanilang mga imbestigador kung papaano nakapasok sa loob ng bakanteng lote ang mga bata gayung may gate na bakal ito at may nakalagay na kandado.
The post Masangsang na amoy susi sa pagkakadiskubre sa 2 nawawalang bata sa Taguig appeared first on Remate.