TAGUIG CITY – PAGKARAAN ng halos apat na buwang paghahanap ng pamilya Buenaflor at Naraga sa kanilang nawawalang mga anak, positibong kinumpirma ng mga ito na ang dalawang natagpuang mga labi ng bata na hinihinalang na trap sa loob ng isang behikulong nakahimpil sa loob ng bakanteng lote ng Barangay Wawa ng naturang lungsod ay kanilang mga supling.
Ayon sa salaysay ng isang nagngangalang Butch Valenzuela, ala-1:00 ng tanghali ng Martes nang maisipan niyang ipalinis sa isang kakilala ang itim na 190E modelong Mercedez Benz na may plakang UGV 606 na nakahimpil sa bakanteng lote ‘di kalayuan sa Barangay Hall ng nabanggit na lugar.
Sinabi ni Valenzuela na agad aniyang sumingaw ang nakaririnding amoy na nagmumula sa loob ng kanyang behikulo ng mabuksan ang pintuan nito at nang kanilang siyasatin kung ano ang bagay na iyon, nanghilakbot sila ng makita ang naaagnas na bangkay ng dalawang bata.
Dahil sa kanilang nasaksihan, agad na ipinaalam ng mga ito sa kanilang barangay ang pangyayari na mabilis namang nakipag-ugnayan sa Taguig Police Station.
Magugunita na ang dalawang nawawalang mga bata na kinilala ng mga magulang at kaanak na sina James Franco Naraga, edad 4 at Dayne Buenaflor Gatus, edad 3 ay huling nakitang naglalaro sa labas ng kanilang bakuran noong Marso 27, 2013.
Marami ang naniniwala na maaaring na-suffocate at na-dehydrate ang dalawang bata nang ma-trap sa loob ng nakahimpil na behikulo at dahil sa tinted ang wind shield nito, walang mamamayan doon ang nakarinig o nakapansin upang tulungan sila.
Halos panawan naman ng ulirat sa tindi ng hinagpis na inabot ang mga magulang ng dalawang batang nasawi.
Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay isasailalim sa masusing pagsisiyasat ng SOCO ang labi ng dalawang bata upang malaman kung may foul play sa insidente.
The post 2 batang nawala ng 4 buwan, pinaniwalaang namatay sa suffocation appeared first on Remate.