INIHALAL bilang information officer ng League of Local Planning and Development Coordinators of the Philippines, Inc (LLPDCPI) si Marikina City Planning Officer at kasalukuyang Acting City Administrator Jun Aguilar sa katatapos lamang na 24th Annual National Convention of the League of Local Planning and Development Coordinators of the Philippines, Inc. (LLPDCPI) na ginanap sa Ibalong Centrum for Recreation, Legaspi City Albay.
Si Aguilar ang nakakuha ng sapat na boto para sa nasabing posisyon mula sa may 500 dumalong miyembro ng samahan. Ang mga opisyal na nahalal ay manunungkulan mula taong 2013 hanggang 2015.
“Isang malaking karangalan na tayo pinagkatiwalaan ng ating kapwa planning officers at mga kasamahan sa paglilingkod sa lokal na pamahalaan,” wika ni Aguilar.
Sa isinagawang pagpupulong na may temang “Local Planners: Towards the Rightful path in Pursuit of Inclusive Growth and Sustainable Socio-Economic Development,” nagbahagi ng kaalaman ang mga miyembro ng samahan upang mas maging epektibo ang kanilang mga pagpaplano ng mga programa para sa pangangalaga ng kapaligiran at pagpapaunlad ng kanilang mga nasasakupang lugar lalo sa mga naninirahan sa mga resettlement area.
Maliban sa nabanggit, pinagtutunan din ng pansin ng samahan ang pagtataguyod ng kapakanan mga miyembro sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyo mula sa nalikom na pondong humigit-kumulang PhP2M na nasinop mula sa pangunguna ng dati nitong pangulo na si Bb. Ma. Lina Sanogal ng Negros Occidental.
“Nagpapasalamat kaming mga miyembro sa husay at hindi matatawarang paglilingkod ng aming nakaraang pangulo kaya nakalikom kami ng sapat na pondong magagamit ng bawat isa sa amin sa oras ng pangangailangan,” dagdag pa ni Aguilar.
Ilan sa mga proyektong ipagpapatuloy ng bagong pamunuan ng LLPDCPI sa pangunguna ng bagong halal nitong pangulo na si Bb. Genevieve Yanga ng Aurora Province ay ang pagbibigay ng benepisyo para sa mga may sakit at pumanaw na kasapi.
Isusulong din ng liga ang pagpasa sa Magna Carta para sa mga Planning Officer upang pangalagaan ang kanilang interes at kapakanan.
Layong mapagbuklod ang mga miyembro nito sa pamamagitan ng kanilang taunang convention, prayoridad din ng mga kasapi ng LLPDCPI ang mahusay na paglilingkod sa bawat nasasakupang lokal na pamahalaan upang makaagapay sa pag-unlad ng bansa.
The post Marikina City Planning Officer Aguilar inihalal na information officer ng LLPDCPI appeared first on Remate.