TINUTULAN ng grupo ng mga panadero at mga umaangkat ng harina ang plano ng Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL) na pagpataw ng 20 porsiyento sa buwis sa imported flour.
Nais ng PAFMIL na itaas sa 20% ang tinatawag na safeguard tariff duty sa harina na iniimporta mula sa bansang Turkey.
Ipinaliwanag ni Ernesto Chua ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI Manila, sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan na imbes na taasan dapat ay ibaba pa ang ipinapataw na tariff duty.
“Dapat bawasan ang 7% na taripa pero kung mapilit sila at gusto rin nilang kumita ay puwede na ang three percent,” paliwanag ni Chua, chairman din ng Philippine –Turkish Business Council.
Hindi naniniwala si Chua na kikita ang gobyerno sa naturang dagdag na taripa, kundi ang magkakalamal lang ng salapi sa pagtaas ng custom’s duty ay ang ilang negosyante lamang ng harina.
Giit ni Chua, gusto lamang umanong masolo ng ilang negosyante ng harina ang merkado sa Pilipinas kaya pinupuntirya ang harina na galing sa Turkey.
Tiniyak naman ni Chua na tataas ang presyo ng tinapay sa sandaling tumaas ang taripa.
Ayon naman kay Walter Co, president ng Philippine Baking Industry, dapat pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang magiging epekto sa ekonomiya ng gagawing pagtataas ng taripa sa harina.
Kaugnay nito, umaapela sa gobyerno si Benito Lim, presidente ng Filipino Chinese Bakery Association,Inc., na bigyang-pansin ang lahat ng aspeto dahil maraming nangyayari ay kabaligtaran dahil ipinapakita lamang umano nila ang pagkakamali ng PAFMIL.
The post 20% pagtaas sa buwis ng imported flour, tinutulan appeared first on Remate.