DAHIL sa pagiging abala ng gobyerno sa isyu ng “sex for fly”, nakalimutan na ang problemang kinakaharap ng mga overseas Filipino workers na hindi na nakabalik sa Taiwan matapos magdeklara ng freeze hiring sa mga OFW.
Ito ang hinaing ngayon ni OFW Partylist Rep. Roy Señeres sa isang press conference kung saan iniharap din nito sa media ang may 20 OFW na hindi na nakabalik ng Taiwan matapos ang insidente ng pamamaril sa Balintang Channel sa Batanes kung saan isang Taiwanese fisherman ang namatay.
Giit ng mambabatas na napakabagal ng gobyernong umaksyon sa suliraning kinasangkutan ng Philippine Coast Guard na hindi aniya napapansin na ang higit na nagdurusa ay ang mga OFW na hindi na nakabalik ng Taiwan kahit may mga trabahong naghihintay sa kanila.
Nanghihinayang ang naturang mga OFW na kapag hindi sila nakabalik agad sa Taiwan ay makuha na ng ibang lahi ang kanilang trabaho at malabo na nila itong mabawi.
Apila ni Seneres sa Malakanyang na ilabas na ang resulta ng ginawang imbestigasyon ng DOJ sa kaso lalo na’t libo libong pamilyang Filipino ang apektado.
Dagdag pa nito na mismong ang Taiwanese govt ang nag-issue ng freeze hiring sa mga pinoy workers hangga’t hindi nareresolba ang kaso.
Babala pa ng mambabatas na $2 bilyon na kita mula sa mga remittance ang mamawala sa gobyerno sa susunod na tatlong taon kung hindi mare-renew ang kontrata ng tinatayang 85,000 OFW na nagtatrabaho sa Taiwan.
Kasabay nito ay inihayag ng kongresista na ipagagamit din niya ang kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga OFW na magkakaroon ng suliranin sa ibang bansa kabilang ang blood money kung kinakailangan at pambili ng tiket sakaling may ma-stranded.
The post Mabagal na aksyon ng gobyerno sa isyu ng Taiwan binatikos appeared first on Remate.