NAGBUNYI ang mga empleyado ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa nilagdaang joint circular ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ni PAGASA Weathermen Employees Association (PWEA) President Ramon Agustin, nakasaad sa joint circular ang pagtitiyak ng dalawang kagawaran na kasama na sa babalangkasing 2014 General Appropriation ang budget para sa kanilang mga benepisyo.
Kabilang dito ay ang kanilang hazard pay, longevity pay at subsistence allowance na madalas ay inaabot ng mga buwan bago maibigay.
Ngayong taon lang aniya, hindi pa nila natatanggap ang hazard pay at longevity pay mula Enero hanggang Hunyo, pero dahil sa joint circular ay isasama na ito sa paglalaanan ng budget simula 2014.
Sinabi pa ni Agustin na bagama’t nakasaad sa Republic Act 8439 o Magna Carta for Science and Technology Workers ang mga benepisyo mula 1989, naibibigay lang ito sa kanila kung may savings ang kagawaran.
Sa kasalukuyan, nasa 900 ang mga empleyado ng PAGASA.
The post PAGASA weathermen benefits, kasama na sa 2014 budget appeared first on Remate.