UPANG maiwasan ang paghahakot ng “flying voters” partikular na ngayong nalalapit na eleksyon ng barangay, pinayuhan ng pamunuan ng Commission on Election (Comelec) ang kapulisan na salaing mabuti ang pagkakaloob ng police clearance sa mga nagnanais magparehistro sa kanilang lugar.
Nabatid kay Pasay City Comelec District II Supervisor Atty. Francis Aguindadao, hindi makabubuti kung hindi sasalaing mabuti ng kapulisan ang mga kukuha ng police clearance upang makapagparehistro dahil magiging daan ito ng problema sa oras na may magreklamo kaugnay sa paghahakot ng botante.
Ang pahayag ng Comelec ay bunsod na rin ng pagdagsa ng mga kumukuha ng police clearance upang magparehistro bilang botante sa bawa’t barangay na karamihan ay hinakot lamang ng mga tatakbong kabesa sa iba’t-ibang barangay.
Dagdag pa ng Comelec, hindi nila puwedeng pigilan ang sinumang nais na magpa-rehistro kung may ipakikitang dokumento tulad ng police clearance, license driver, government identification card o employees ID maliban na lamang kung may magrereklamo na isa ring kandidato at magpapatunay na hindi ito residente sa kanilang barangay.
Pagpasok pa lamang ng buwan ng Hulyo ay unti-unti nang dumagsa ang mga kumukuha ng police clearance sa Pasay City na karamihan ay hinahakot lamang ng kumakandidatong barangay chairman.
Kaugnay nito’y hinimok ni Atty. Aguindadao ang mga nais magparehistro na pumila kaagad ng maaga dahil hanggang 200 lamang ang kanilang kayang iparehistro sa isang araw at ang lalagpas aniya rito ay kailangang bumalik kinabukasan.
Magsisimula ang araw ng pagpaparehistro ng mga bagong botante sa Hulyo 22 na tatagal lamang ng hanggang Hulyo 31. Idaraos ang halalang pam-barangay sa Oktubre 28 ng kasalukuyang taon.
The post Kumukuha ng police clearance ipinasasala appeared first on Remate.