HINIHINALANG nakatunog ang isa sa tatlong suspek na sangkot sa pamamaslang sa limang kabataang magpipinsan sa boundary ng Makati at Pasay City makaraang makapuslit ito matapos magsagawa ng operasyon ang pulisya kagabi sa hindi muna tinukoy na lugar.
Ayon kay Pasay City police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca, hindi na nila naabutan sa pinagtataguan ang suspek na pansamantalang hindi pinangalanan na siyang sangkot sa pagkakapatay sa magpipinsan.
Ibinatay ni Llorca ang pahayag kaugnay sa mga nakalap na impormasyon at sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pagpaslang sa mga biktimang sina Chucky Dee Cruz, 23, kapatid na si Francisco Cruz III, 22, pinsang sina Andrew Lloyd Cruz, 23 at Rogelio Diala, Jr., at bayaw na si Raymart Saraza, 20.
Bukod sa pagkakakilanlan sa isa sa tatlong suspek, patuloy pa ring nangangalap ng impormasyon at mga testigo ang pulisya, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Makati police na siya ng humawak sa kaso upang matukoy ang katauhan ng dalawa pang suspek.
Malaki naman ang paniniwala ng pulisya na may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa pamamaslang matapos matuklasan na may dati ng kinakaharap na kasong paglabag sa Anti Drug Law sina Chucky Dee Cruz at pinsang si Andrew Lloyd Cruz habang nasa watch list naman ng Station Anti Illegal Drugs Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ang tatlo pang napaslang.
The post Isa sa pumatay sa limang magpipinsan, kilala na appeared first on Remate.