PORMAL na sinadya kahapon ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino si Navotas Mayor John Rey Tiangco upang makipalitan ng kuro-kuro hinggil sa sitwasyon sa lungsod ngayong panahon ng tag-ulan.
Kampanteng ibinalita naman ni Mayor Tiangco na hindi naapektuhan ang lungsod sa nagdaang bagyo nitong linggo at patuloy pa rin ang pagtatayo ng river at coastal dikes sa lungsod sa tulong ng lokal na pondo, Department of Public Works and Highways at pork barrel ni Cong. Toby Tiangco.
Sa loob ng 3 taon, nakapagpatayo ang lokal na pamahalaan ng 16 na bombastic pumping stations sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Tiangco bilang karagdagan sa 23 bombastik pumping stations na naipagawa ni Cong. Toby Tiangco bilang punong lungsod ng Navotas sa loob ng mahigit kumulang 10 taon.
Ani pa ni Mayor Tiangco, “year-long ang ginagawang preparasyon ng lokal na pamahalaan upang mapigil ang pagbaha sa lungsod sa pamamagitan ng regular clean-up activities at seminar on solid waste management para sa mga residente.”
Kahapon, 25 kariton at garbage drums ang ipinamahagi ni Mayor Tiangco sa tulong ng Solid Waste Management Commission sa iba’t ibang Home Owner’s Association sa lungsod upang himukin ang kanilang partisipasyon at pakikiisa sa tamang pagtatapon ng basura.
2,000 sandbags naman ang tinanggap ng alkalde mula kay Chairman Tolentino bilang tugon sa request nito para sa earth dike na susuporta sa naipaayos nang river dikes sa Phase 2 Area 1 at Area 2, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) na bumigay noong nakaraang taon.
Inatasan ni tolentino ang kanyang team na agad ipadala ang mga sandbags sa nasabing lugar at makipagtulungan sa mga residente rito upang agad maitayo ang earth dike. Aniya, “napaka-importante ng community effort ngayong panahon.”
Nagpasalamat ang alkalde sa pagbisita at maagap na pagtulong sa Navotas ni Chairman Tolentino.
The post MMDA Chairman Tolentino at Navotas Mayor Tiangco, kapit-bisig sa paghahanda sa tag-ulan appeared first on Remate.