TUWIRAN nang ipagbabawal ang pagdadala ng baril sa Batasan Complex kasunod ng insidenteng kinasangkutan ni dating Cagayan de Oro Rep. Benjo Benaldo.
Binigyang diin ni House Secretary General Marilyn Barua-Yap na kailangang sumailalim sa mahigpit na inspeksyon ang mga papasok sa Batasan kahit pa mga kongresista.
Sinabi ni Yap na hindi na papayagang magdala ng baril sa loob ng gusali ang sinomang mambabatas at kanilang bodyguards.
Nilinaw pa ni Yap na meron nang patakaran ang Kamara na bawal magdala ng baril kaya merong mga lugar kung saan maaaring i-deposito ang armas.
Ngunit ito ay mas pinahigpit sa ngayon matapos ang insidente ng diumano’y tangkang pagpapakamatay ni Benaldo sa kaniyang tanggapan.
Dapat aniyang iniiwan ng mga bodyguard ang kanilang baril sa Legislative Security Bureau.
Sa bagong rules, ang lahat nang papasok sa Kamara ay dadaan sa metal detector test at ang mga gamit, sa x-ray machine.
Ang dalawang entry rin sa Batasan complex, ang south at north entrance ay parehong nilagyan ng paalala na ang pagdadala ng baril sa loob ng gusali ay mahigpit na ipinagbabawal.
The post Pagdadala ng baril sa Kamara, hinigpitan appeared first on Remate.