INIREKLAMO sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment (MPD-GAS) ang isang pulis-Maynila nang pumasok umano sa loob ng bahay at nanakot sa isang ginang na armado ng baril sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang inireklamo sa pamamagitan ng kanyang personal data sheet (PDS) na si PO3 Henry Juntilla, nasa hustong gulang, may-asawa, nakatalaga sa MPD-PS 5 sa Ermita, Maynila at residente ng Brgy. 649, Blk.4, Row 2, U-6 Habitat, Baseco, Port Area, Manila.
Sa reklamo ng complainant na si Analyn Abdullah, 27,tubong Cotabato City at residente ng Blk.22, Lot 20, ng nasabing lugar kay SPO2 John Cayetano, bigla na lamang pumasok ang pulis sa kanilang bahay dakong alas-11 ng gabi noong Hunyo 25.
Sa salaysay ni Abdullah, may nakasukbit na baril sa beywang ni Juntilla at nagsalita ng “ sabihin mo sa bayaw mong si Danny, na huwag siyang bumalik dito kung hindi papatayin ko siya” saka umalis.
Kaharap umano ang 5 taong gulang na anak na babae nang pinasok sila ng pulis na labis umanong ikinatakot ng mag-ina.
Dahil sa trauma ng bata ay naglakas-loob na ang ginang na dumulog sa himpilan ng GAS upang ireklamo ang naturang pulis.
The post Pulis-Maynila, inireklamo ng pananakot appeared first on Remate.