KINUMPIRMA ni Justice Secretary Leila de Lima na umapela sa kanya si Akbayan Representative Walden Bello para mapasailalim sa Witness Protection Program ang mga Pilipina na nagbunyag ng sex-for-flight scheme.
Ayon kay de Lima, si Bello ay nagtungo kahapon sa kanyang tanggapan para alamin kung ano ang maaring maitulong ng DOJ at ng Inter Agency Council Against Trafficking sa imbestigasyon.
Sinabi umano ni Bello na ilan sa mga biktima ay natatakot kasing lumantad.
Samantala, bukod umano sa NBI, inihayag ni De Lima na posibleng makiisa na rin sa imbestigasyon ang IACAT dahil sa posibilidad na may elemento ng human trafficking na sangkot sa isyu.
Makikipagpulong din umano ngayong araw na ito si De Lima kay NBI Director Nonnatus Rojas para alamin ang estado ng ginagawa nilang imbestigasyon.
Dalawa umano sa mga insidenteng siniyasat ng NBI ay tapos na ang imbestigasyon, pero isa pa lamang ang nagagawan ng report.
Ang ikatlong kaso naman ay may kaugnayan sa napaulat na suicide ng isang OFW sa loob ng konsulada ng Pilipinas.
Tinukoy din ni de Lima na kabilang sa inimbestigahan ng NBI ay isang kaso ng rape na kinasasangkutan ng isang opisyal ng embahada.
The post Mga testigo sa sex for flight nais maisailalim sa DOJ-WPP appeared first on Remate.