IBINABA na ang public storm warning signal number 2 sa anomang bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila dahil lumabas na ang bagyong Gorio sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa monitoring ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather forecaster Aldczar Aurelio, sinabi nito na huling namataan ang sentro ng bagyo sa 100 km kanluran ng Subic, Zambales, kaninang 11 a.m.
Napanatili nito ang lakas na aabot sa 65 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 80 kph. Kumikilos ito ng pa-hilagang kanluran sa bilis na 24-26 kph.
Bahagyang bumuti ang lagay ng panahon sa Luzon at Metro Manila. Natira naman sa signal number 1 sa Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro Provinces at Lubang Island
Naging mabilis ang paglabas ni Gorio sa Philippine Area of Responsibility (PAR) dahil sa high pressure area (HPA) na nakaiimpluwensya rito.
Tinutulak kasi ng HPA papalayo ng kalupaan ng bansa si Gorio.
Bukas ng madaling araw lalabas ng PAR ang bagyo sa layong 390 km kanluran ng Laoag City.
Sa kabuuan, pitong beses nang nag-landfall si Gorio simula kahapon.
Dumaan lamang ang bagyo sa timog ng Metro Manila bagamat apektado pa rin ng ulan dahil saklaw pa rin ng diametro nito.
Dahil mababa na ang posibilidad na bumalik pa ng bansa si Gorio, posibleng maialis na rin mamayang gabi ang mga storm signal sa bansa.
The post ‘Gorio’, umiskiyerda na; MM, signal #1 na lang appeared first on Remate.