UMAABOT na sa halos 500 kaso ng leptospirosis ang naitala ng Department of Health (DOH) sa unang anim na buwan ng taong 2013, kung saan 40 sa mga ito ang nasawi.
Batay sa ipinalabas na disease surveillance report ng DOH, nabatid na umakyat sa 498 leptospirosis cases ang kanilang naitala sa bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 15, 2013.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay mas mababa ng 75.61% kumpara sa naitalang kaso sa kaparehong petsa noong taong 2012 na umabot sa 2,042 kaso.
Karamihan sa mga kaso ng leptospirosis ay naitala sa Region XI (19.28%), Region VI (19.08%), Region II (13.45%), Region III (11.45%) at NCR (8.63%).
Nabatid din na karamihan sa mga biktima ay mga lalaki na may edad 21 hanggang 30 anyos na kadalasan umano ay syang lumulusong sa tubig-baha.
Aminado naman ang DOH na inaasahan nila ang paglobo pa ng kaso ng leptospirosis dahil na rin sa pagpasok ng buwan ng tag-ulan.
Kaugnay nito, pinayuhan ng DOH ang publiko na iwasan ang paglusog sa tubig-baha lalo na kung may sugat sa katawan.
Kung hindi naman umano ito maiiwasan ay mas mainam na magsuot ng mga protective gears tulad ng bota.
Sakaling mababad umano sa tubig bahay ay agad na hugasan ng sabon ang nababad na parte ng katawan at kung makakaranas ng sintomas ng sakit gaya ng pananakit ng ulo, paninilaw at panghihina ay dapat nang magtungo sa pinakamalapit na ospital.
The post Kaso ng leptospirosis, 500 na; 40 nasawi – DOH appeared first on Remate.