MASUWERTENG nakaligtas ang isang dayuhang Tsino nang tambangan ng mga di nakilalang suspek sa kahabaan ng Malate, Maynila .
Kinilala ang biktima na si Dongliang Wang, 33, ng Marina – Hyatt Residences sa kanto ng MH Del Pilar at Pedro Gil Sts. Malate.
Sa imbestigasyon, alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente.
Ayon sa pulisya, sakay ng itim na Ford Everest (TRQ-558) ang biktima at binabaybay ang MH Del Pilar sa Malate nang tabihan ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo (3146-UP).
Armado ng mahahabang baril na may silencer ang mga salarin at agad na pinaulanan ng bala ang biktima na tinamaan sa dibdib.
Bagamat may tama na ang bikrima ay nagawa pa nitong tumakbo subalit binaril ng mga salarin ang gulong ng kanyang sasakyan hanggang sa siya ay masakote sa kanto ng Remedios St. sa harap ng Philtrust Bank kung saan ay agad na hinablot ng mga salarin ang Lacoste na bag ng biktima na naglalaman ng P50,000 saka tumakas.
Pinagtulungan ng parking boy na sina Edgardo Zamora at taxi driver na si Leyvvy Dejaime na isugod sa Manila Doctor’s Hospital si Wang, patuloy na ginagamot.
The post Tsinoy nakaligtas sa ratrat appeared first on Remate.