MAHIGIT isang dekada nang nagaganap ang sinasabing “sex-for-flight” sa Gitnang Silangan, ngunit hindi lamang makakilos si Senator Manny Villar dahil walang gustong tumestigo sa takot na balikan ng mga opisyal na sangkot dito.
Ibinulgar ito ni Villar sa ginanap na Kapihan sa Senado saka ipinilit na maipasa sana ng susunod na Kongreso ang Department of OFWs na naipasa ngunit kinapos ng panahon sa pagsasara ng 15th Congress.
“Walang OFWs na may lakas na loob na humarap sa imbestigasyon upang maparusahan ang mga opisyal na sangkot sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) at embahada,” ayon kay Villar.
“Saka matagal ko nang naririnig na may ganoon insidente laban sa ating mga OFWs,” dagdag ni Villar.
Ayaw banggitin ni Villar kung saan nagaganap ang “sex-for-flight” sa abroad ngunit nakatitiyak siyang matagal nang nagaganap ang ganitong pagsasamantala sa ating kababayan sa Gitnang Silangan.
“Hindi natin maisulong ang imbestigasyon kasi wala tayong hawak na ebidensiya at walang gustong tumestigo,” giit ni Villar.
Kasabay nito, iginiit ni Villar ang pagsasabatas ng kanyang isinusulong na Department of OFW na maybibigay ng proteksyon sa mga kababayan sa ibayong dagat.
Magugunitang nabigong maipasa sa 15th Congress ang naturang panukala, kaya’t ayon sa senador muli itong ihahain ng kanyang misis na si Senator-elect Cynthia Villar sa pagpasok ng 16th Congress.
====
The post ‘Sex-for flight’ dekada nang ginagawa sa OFWs – Villar appeared first on Remate.