HINDI muna dinesisyunan ng Korte Suprema ang disqualification case na inihain laban kay dating Pangulong Joseph Estrada na nagwagi bilang alkalde ng Maynila sa katatapos na midterm elections.
Sa halip, sa isinagawang en banc session ng mga mahistrado ng SC, inatasan lamang ang dating Pangulo na magsumite ng kumento sa hiling ni outgoing Manila Mayor Alfredo Lim na makapag-intervene o maging bahagi sa kaso.
Ang orihinal na petitioner sa kaso ay si Atty. Alicia Risos-Vidal na nauna na ring humiling sa Comelec na huwag payagan si Estrada na makaupo sa pwesto bilang alkalde ng Maynila sa June 30.
Sa nakalipas na eleksyon, si Estrada ay nakakuha ng mahigit 343,000 boto, habang si Lim ay nakakuha ng mahigit 308 libong boto.
Sa kanyang petisyon, kinuwestiyon ni Vidal ang ginawang pagbasura ng Comelec sa disqualification case na inihain niya laban sa dating pangulo.
Naniniwala si Vidal na hindi dapat payagang tumakbo sa eleksyon si Estrada dahil sa kundisyong nakapaloob sa ibinigay sa kanyang pardon ni dating Pangulong Gloria Arroyo nang siya ay mahatulang guilty ng Sandiganbayan sa kasong pandarambong noong 2007.
Pero sa desisyon ng Comelec, ang civil at political rights ni Estrada kasama na ang karapatan na kumandidato sa public office ay naibalik nang siya ay gawaran ng pardon ni Ginang Arroyo.
The post Mayor-elect Erap pinasasagot ng SC sa petisyon ni Lim appeared first on Remate.