PINALAGAN ng Malakanyang ang hirit ni private prosecutor Atty. Harry Roque na bigyan ng pamahalaan ng kompensasyon ang mga naging biktima ng November 2009 Maguindanao massacre upang hindi na naisip pa ng mga ka-anak na pumasok sa isang settlement sa mga Ampatuan.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, hindi naman ang pamahalaan ang gumawa ng krimen kaya’t malabong sila ang bumalikat ng financial needs ng mga kamag-anak ng biktima.
“We don’t agree with the interpretation. Parang pinapalabas niya na gobyerno ‘yung gumawa ‘nung krimen. Hindi naman kasama ‘yung gobyerno doon sa gumawa,” ani Usec. Valte.
Gayunpaman, sinabi ni Valte na handa ang Punong Ehekutibo na magbigay ng tulong sa mga biktima ng Maguindanao massacre.
Kung matatandaan aniya ay may naaksyunan na ang Pangulong Aquino na hinaing ng mga ito kung saan ay nai-refer pa sa mga concerned agencies para iyon ang tumulong sa mga ito.
“The offer of assistance has always been there. The instructions of the President sa mga public prosecutors na hindi dapat dine-delay ‘yung pag-prosecute doon sa kaso at labanan po lahat ng any dilatory motions or dilatory tactics na pwede i-employ ng depensa,” aniya pa rin.
Aniya, wala sa poder ng pamahalaan kung may ilang kamag-anak ng nabiktima ng Maguindanao massacre ang nakipagkasundo na sa mga suspek para lamang mayroon silang pantustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Ipinauubaya na ng Malakanyang sa Justice Department ang pagsang-ayon sa interpretasyon ni Atty.(Harry) Roque ukol sa International Covenant on Civil and Political Rights.
Nauna nang sinabi ni private prosecutor Roque na may 14 ng mga kaanak na biktima ng tinaguriang Maguindanao massacre ang umano’y pumasok sa settlement agreement o pakikipag-areglo ng mga pangunahing akusado kapalit ng malaking halaga ng pera.
The post Hirit na kompensasyon sa mga biktima ng Maguindanao massacre, pinalagan ng M’cañang appeared first on Remate.