SINAMPAHAN na ngayon ng kasong smuggling sa Department of Justice (DoJ) ang limang rice trader mula sa lalawigan ng Cebu matapos na pormal na kasuhan ng Bureau of Customs (BoC).
Kinilala ni BoC Commissioner Ruffy Biazon ang mga kinasuhan na sina: Ramil Olita, may-ari ng JM ARS Trading; Marlon Sampang, may-ari ng JJM Global Trading; Marcis Custan, may-ari ng Custans Enterprises; Noel Wison, may-ari ng NMW Enterprises at isang Benjamin Garcia, may-ari ng Neon Gateway Trading.
Nag-ugat ang reklamong paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines laban sa mga nabanggit na traders, makaraang tangkain ng mga ito na magpuslit ng tig-5,000 sako ng white rice mula sa Vietnam noong March 22, 2013.
Nabatid na idineklara ng limang trader ang imported na bigas bilang ceiling insular slab, granite slab, granite stone at cellulose fibers.
Umaabot sa P36.1 million o kabuuang P36,156,740 million ang tinatayang market value ng mga nakumpiskang smuggled rice.
The post 5 rice trader kinasuhan ng smuggling appeared first on Remate.