DISMAYADO ang mga grupo ng maralitang lungsod sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon sa naging dialogo ng kanilang grupo sa opisina ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Hindi naiwasang ihambing ng mga maralita sa yumaong kalihim ng DILG na si Jessie Robredo ang kasalukyang DILG Sec. Mar Roxas na umano’y kinatawan ng malalaking lokal at dayuhang negosyante sa loob ng administrasyong Aquino. Nauna ng tinawag ng grupo si Roxas na Mr. Demolition, halaw sa Mr. Palengke na dating taguri sa kalihim.
Hindi bababa sa 300 maralita mula sa mga komunidad sa Metro Manila na nahaharap sa banta ng demolisyon ang naglunsad ng kilos-protesta kaninang umaga sa labas ng bagong opisina ng DILG.
Layon nilang isapormal ang sulat-kamay na Memorandum of Agreement na nilagdaan ng DILG Undersecretary Francisco Fernandez noong Mayo 29 na nagpapatupad ng tigil-demolisyon sa mga danger area sa Metro Manila (see attached copy of MOA).
Reklamo ng grupo, tila walang bisa ang nasabing MOA sapagkat natuloy pa rin ang demolisyon sa isang danger area Brgy Bignay Valenzuela noong Mayo 31 kung saan 312 pamilya ang nawalan ng tirahan, at isang 2-gulang na bata ang nadislocate ang mga buto sa leeg.
Hiling din ng mga maralita na paliwigin pa ang saklaw ng nasabing MOA upang maipatigil din sa kagyat ang mga demolisyon sa iba pang komunidad ng maralita sa buong bansa.
Walang magagawa
Ngunit ayon sa grupo, walang maasahan ang mga maralita sa ahensya ng DILG kaugnay sa agarang pagpapatigil ng mga demolisyon ng kabahayan ng mga maralitang lungsod.
Ayon kay Carlito Badion na naguna sa hanay ng mga maralita sa nasabing dialogo, hindi nila nagawang maisapormal ng DILG ang MOA kaugnay sa tigil-demolisyon sa mga danger area sa Metro Manila.
Gayundin, bagamat nakahanda umanong pag-aralan ng DILG ang mga isinumiteng demand ng mga maralita (see attached copy of letter to DILG), itinanggi naman nito na kaya ng ahensyang maglabas ng kautusan na magpapahinto sa mga demolisyon sa buong bansa ayon sa lider.
Tigil-demolisyon ni Robredo
Ngunit ayon sa AKD, ‘Hindi totoong walang kakayahan ang DILG na maglabas ng kautusan upang ipatigil ang demolisyon ng kabahayan ng mga maralita.”
Nagawa umano ng DILG noong Disyembre 2010 na magdeklara ng pambansang tigil-demolisyon sa kautusan ng yumaong kalihim nito na si Secretary Jessie Robredo. Noong Abril 2012, inutos din ni Robredo ang hindi paglahok ng kapulisan sa anumang demolisyon sa buong bansa matapos ang marahas na demolisyon sa Silverio Compound sa Paranaque.
“Mga dayuhan at mayayamang negosyante ang pinaglilingkuran ng DILG at ng administrasyong Aquino, gaya ng mabilis nitong aksyon sa naganap na pagsabog sa Serendra Condominium sa Taguig,” ani Badion.
Nananatiling inutil ang gubyernong Aquino sa kalagayan ng daang libong maralitang nahaharap sa demolisyon,” dagdag ni Badion.
Wala umanong maasahan ang mga maralita sa Pangulong Aquino at kay DILG Sec. Mar Roxas upang ipagtanggol ang aming karapatan sa paninirahan at kabuhayan. “Tanging sa sama-samang pagkilos at paglulunsad ng barikadang bayan lamang matitiyak ng maralita ang kanilang karapatan sa paninirahan,” ani Badion.
“Nakahanda kaming makipagbatuhan sa mga tauhan ng PNP at demolition team ng mga local government unit, na parehas nasa pamumuno ng DILG, upang biguin ang pagwawasak ng gubyernong Aquino sa aming tahanan at kabuhayan,” pagwawakas ng lider.
The post DILG Sec. Roxas ikinumpara sa yumaong si Jesse Robredo appeared first on Remate.