MULING nagpatupad ng oil price hike sa kanilang produktong petrolyo ang tinaguriang big 3 oil companies simula kaninang alas-6:00 ng umaga na nagresulta sa mahabang pila ng mga sasakyan sa mga gasoline station.
Pormal na ideneklara ang pagtataas ng Filipinas Shell, Petron corporation at Chevron sa halagang P1.05 kada litro ng gasoline, P1.45 sa presyo ng diesel at P1.30 naman sa presyo ng kerosene.
Ikinatuwiran ng big three ang paggalaw o pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Ang panibagong oil price hike ay ipinairal matapos na magtaas ng kanilang produktong petrolyo ang mga oil companies noong nakalipas na linggo nang halagang P0.50 kada litro sa gasoline habang nagrollback ng P0.15 centavos kada litro ng kerosene.
Ito ang ika-tatlong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula noong Mayo 28, 2013.
Inaasahan namang susunod simula bukas ang ilan pang kompanya kabilang ang tinaguriang small oil players.
Ang pagtataas ay pangalawa simula nang magpulong ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) noong Mayo 29, 2013 sa Vienna kung saan ay inaasahan nilang mananatili sa $100 kada bariles ang presyo ng petrolyo.
The post Big 3 muling nagtaas ng presyo ng produktong petrolyo appeared first on Remate.