KUMITA pa ng milyones ang ilang kandidato sa katatapos na senatorial elections.
Sa pinalabas na kopya ng Commission on Elections kaugnay sa Statement of Elections Contributions and Expenditures (SECE), kumita ang UNA senatorial bet na si Nancy Binay ng P8 milyon mula sa campaign contributions na tinanggap nito.
Ayon sa Comelec, P128,695,057.10 lang ang kanyang naggasta sa kampanya mula sa P136,869,398.78 contributions na tinanggap ni Binay.
Kumita naman si senator-elect Bam Aquino ng Team PNoy ng P1.1 milyon.
Umaabot sa P125,493,000.00 ang kabuuang contribution na tinanggap ni Bam Aquinoi ngunit P124,327,987.81 lang ang naubos sa kampanya.
Kumita rin kahit talunan ang kandidatong si Ramon Montaño ng P5-M dahil sa P6,629,175.00 na kontribusyon ay P1,383,000.00 lang ang kanyang nagastos sa kampanya.
Habang umabot naman sa mahigit P39 milyon ang nagasta ni Jamby Madrigal gayong lumalabas na wala siyang nakuhang kontribusyon.
Wala ring tinanggap na contribution sina Ricardo Penson, Samson Alcantara at Christian Señeres.
Gayunpaman, gumastos si Penson ng P19,698,760.45, P344,459.07 naman si Alcantara at P338,205.24 si Señeres habang gumastos naman si Cynthia Villar ng P133,979,127.25 sa kampanya kahit P2,613,454.41 lang ang tinanggap nitong kontribusyon.
Samantala, sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na maaaring ariin na ng mga kandidato ang hindi nagastos na donasyon. Kapag nagkaganito, nagpaalala si Brillantes na ituturing na kita ng kandidato ang pera kaya papatawan ito ng buwis.
The post Senatorial candidates kumita ng milyones – Comelec appeared first on Remate.